DPWH, may napili nang consulting firm para sa privatization ng Kennon Road
Sinimulan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang consulting services para sa privatization ng Kennon Road.
Kaugnay nito, sinabi ni DPWH Secretary Mark Villar na nai-award na ang consulting contract sa consulting firm na RebelGroup International BV.
Ngayong araw nakatakda rin umanong makipagpulong si Villar sa nasabing consulting firm para talakayin ang pre-feasibility study at project structuring para sa Kennon Road Rehabilitation sa private concessionaries.
Naniniwala si Villar na ang privatization ng Kennon Road ang long-term solution sa magastos na maintenance nito na madalas maapektuhan ng mga landslide.
Kapag panahon mg taga ulan madalas na isara sa mga motorista ang Kennon Road dahil sa mga pagguho ng lupa.
Naniniwala si Villar na sa tulong ng pribadong sektor ay magkakaroon ng mas reliable na Kennon Road na magiging mabilis at ligtas na daan mula sa Rosario, La Union patungong Baguio City.
Madz Moratillo