Cagayan River Restoration Project, pormal nang inilunsad
Pormal nang inilunsad nitong Martes, Pebrero 2, 2021 sa Bangag, Lal-lo ang Cagayan River Restoration Project, bilang bahagi ng Build Back Better Program ng national government sa ilalim ng Executive Order (EO) 120 ni Pang. Rodrigo R. Duterte.
Layunin ng proyektong ito na maibsan ang malawakang pagbaha sa Cagayan gaya ng nangyari noong 2020, at upang ibalik ang dating anyo at ganda ng Ilog Cagayan sa pamamagitan ng kaliwa’t kanang aktibidad na gagawin para sa rehabilitasyon nito.
Pinangunahan nina Dept. Of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Roy Cimatu at Dept. Of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Mark Villar ang programa, sa pamamagitan ng ceremonial dredging sa mga sandbar sa bahagi ng Magapit sa bayan ng Lal-lo.
Sinundan naman ito ng pagtatanim ng mga kawayan sa gilid ng Ilog Cagayan.
Sakop ng nasabing proyekto ang kabuuan ng Ilog Cagayan mula sa bayan ng Aparri, hanggang sa lungsod ng Tuguegarao.
Ulat ni Nhel Ramos