Halos 71 bahay, napinsala dahil sa sunog sa Perth, Australia
PERTH, Australia (Agence France-Presse) — Hindi bababa sa 71 mga bahay ang napinsala dahil sa nagaganap na bushfire malapit sa Perth, ang ika-apat sa pinakamalaking syudad sa Australia.
Ayon sa mga awtoridad, sinabihan na nila ang mga residente na huwag nang pansinin ang umiiral na virus lockdown at lumikas na mula sa threatened areas.
Ang sunog ay puminsala ng malawak na lupain sa Perth Hills at gumagapang na patungo sa mas mataong lugar. Gayunman, wala pa namang napapaulat na namatay o nagtamo ng serious injuries.
Sinabi ni Western Australian fire commissioner Darren Klemm . . .“To the people who have lost their homes, it’s just devastating for them. Our thoughts go out to them. What we don’t want is indecision from people about whether they should evacuate or not when we require them to evacuate. So that evacuation overrides any quarantining requirements that people may have.”
Ilang emergency warnings na ang ipinalabas ng mga kinauukulan, bunsod ng inaasahang paglala pa ng sitwasyon, dahil inaasahang palalakasin pa ang sunog ng malakas na ihip ng hangin.
Nanawagan si Klemm sa mga residente na agad kumilos para takasan ang banta ng nakamamatay na sunog, dahil gumagapang na ito patungo sa mga lugar na maraming nakatira.
Samantala, daan-daang katao na rin ang lumikas sa lugar mula nang magsimula ang sunog noong Lunes, kung saan marami sa kanila ang nagpalipas ng gabi sa mga evacuation center.
Nilambungan naman ng usok ang Perth, na nasa 30 kilometro sa kanluran ng pinangyayarihan ng sunog, na tumutupok sa magkabilang panig ng higit pitong libong ektaryang lupain.
Ayon sa mga awtoridad, ang temperatura ay tinatayang aabot pa sa 35 degrees Celsius (95 degrees Fahrenheit), bago dumating at magdala ng mga pag-ulan ang una nang inaasahang bagyo na magdadala ng mas malamig na temperatura sa mga huling bahagi ng linggong ito.
Nagbabala naman si Klemm sa komunidad, na matagal-tagal pa bago makontrol ang naturang sunog.
Higit 200 bumbero na ang nagtatangkang apulahin ang sunog, sa tulong ng water-bombing aircraft.
Nag-umpisa ang sunog sa pagsisimula ng ikatlong araw ng stay-at-home orders sa dalawang milyong kataong naninirahan sa loob at paligid ng Perth.
Matatandaan na nagpatupad ang mga awtoridad ng biglaang five-day lockdown, matapos mahawaan ang isang security guard ng UK strain ng COVID-19, na nakuha niya mula sa isang umuwing biyahero na namamalagi sa isang hotel quarantine.
Liza Flores