Hepe ng presinto na may sakop sa Recto Avenue sa Maynila, sinibak sa puwesto kasunod ng nangyaring robbery hold-up
Sinibak na sa puwesto ang hepe ng Gandara Police Community Precint kasunod ng nangyaring robbery hold-up sa Recto Avenue sa Sta Cruz, Maynila kahapon.
Ayon kay Lt. Col. Rollyfer Capoquian, hepe ng Binondo Police Station, mahigpit ang kanyang direktiba kay Gandara PCP Commander Major Victor de Leon na hindi dapat mawalan ng pulis na magbabantay sa kahabaan ng Recto Avenue.
Kritikal kasi aniya ang lugar sa mga holdapan.
Ayon kay Capoquian, maging ang dalawang pulis na crew ng kanilang mobile police patrol na nakatalaga sa lugar ay sinibak na rin niya.
Habang ang mobile patrol ay kinumpiska na rin aniya nila.
Paliwanag ni Capoquian, hindi dapat umalis ang patrol ng wala pa ang kapalitan nito.
Kahapon aabot sa humigit kumulang 1.5 milyong piso ang natangay sa may ari ng isang Jewelry Shop sa kahabaan ng Recto Avenue.
Sa ngayon ayon kay Capoquian ay pinag-aaralan nila kung ang gumawa nito ay mga dati ng grupo na kanilang binabantayan.
Matapos ang insidente ng robbery hold-up kahapon, dalawang patrol na ng pulisya ang nagbabantay sa kababaan ng Recto Avenue.
Madz Moratillo