3 Suspek sa pagbebenta ng pekeng NBI clearance, Gov’t documents sa Recto, Maynila, arestado
Ipinagharap ng reklamong Falsification of Public Documents sa piskalya sa Maynila ang tatlong indibidwal dahil sa pamemeke ng iba’t-ibang government documents.
Partikular na sinampahan ng reklamo sina Jay Tinio, Jojo Delim at Abbygail Pascua.
Ayon sa NBI, naaresto ang tatlong suspek sa entrapment operation sa Recto Avenue, Maynila.
Nakatanggap ng impormasyon ang NBI ukol sa mga suspek na sinasabing nagbebenta ng mga pekeng NBI clearances, LTO ID/student permits, PSA Birth Certificate, at TIN ID sa kahabaan ng Recto.
Nabatid sa isinagawang surveillance ng NBI na may ilang sellers na mayroong pang signages para sa ibinibentang dokumento na may halagang P2,500 para sa rush transactions, at P500 sa non-rush transactions.
Tinatanong din ng mga seller ang mga dumadaan sa lugar kung magpapagawa ang mga ito ng ID, NBI clearance at birth certificate.
Ikinasa ang entrapment operation kung saan nagpanggap na customers ang mga tauhan ng NBI.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang iba’t-ibang dokumento na mayroong dry seal stamp, cellphone numbers at signages ng mga inaalok nila ng government documents.
Moira Encina