North Korea, makatatanggap na rin ng COVID vaccine matapos mag-request
SEOUL, South Korea (Agence France-Presse) — Humiling ang North Korea ng COVID-19 vaccines, at inaasahang matatanggap na nila ang halos dalawang milyong doses.
Ito ang ipinahayag ng Gavi vaccine alliance, bahagi ng WHO-backed Covax programme, bagamat iginigiit ng NoKor na ang kanilang bansa ay virus-free.
Ito ang kauna-unahang official confirmation na ang NoKor ay humingi ng “international help,” at nakikita ring hindi sapat ang kakayahan ng komunistang bansa na harapin ang pandemya.
Ang Covax scheme, co-led ng Gavi alliance, ay magbibigay ng 1.99 million doses sa NoKor, ayon na rin sa interim distribution report ng Covax na inilabas ngayong linggo.
Sinabi ng tagapagsalita ng Gavi, na lahat ng mga bansang tatanggap ng alokasyon ng bakuna ay nagsumite ng kahilingan para rito.
Aniya, ang mga alokasyong binanggit sa report ay sumasalamin sa pinakahuling pagtaya sa supply, at ikinonsidera ang kahandaan at regulatory approvals ng mga bansa.
Batay sa report, ang North Korea ay tatanggap ng AstraZeneca-Oxford vaccine na ang nag-produce ay ang Serum Institute ng India.
Sa huling bahagi ng Enero ng nakalipas na taon, ay isinara ng Pyongyang ang kanilang borders, ang kauna-unahang bansa sa mundo na gumawa nito para protektahan ang sarili laban sa coronavirus.
Matagal na rin nitong iginigiit na wala silang mga kaso ng COVID-19, kung saan muli itong inulit ng lider ng NoKor na si Kim Jong Un sa isang malaking military parade noong Oktubre.
Ayon naman sa mga eksperto, malabo ang inaangking iyon ng NoKor lalo’t ang virus ay unang lumitaw sa kapitbahay nitong China, na pangunahin nilang trade at aid partner.
Liza Flores