Pilipinas, mayroon nang 25 UK variant cases
Mayroon na ngayong kabuuang 25 detected UK variant cases sa Pilipinas, kasunod ng na-detect na walong dagdag na kaso kagabi, Biyernes, February 5.
Isa sa kumpirmadong kaso ay namatay na noong Enero 24. Ito ay isang 84-anyos na lalaki mula sa Benguet na walang travel history o nagkaroon man ng contact sa sinumang may UK variant.
Kasunod ng sustained biosurveillance efforts ng gobyerno, kinumpirma ng DOH na may walong dagdag na COVID-19 cases na positibo sa B.1.1.7 o UK variant.
Tatlo sa walong bagong mga kaso ay mula sa Bontoc, Mountain Province, habang dalawa ang galing sa La Trinidad, Benguet. Ang dalawa pang UK variant cases ay returning Overseas Filipinos (ROFs), at ang isa naman ay mula sa Cebu.
Ito ang unang pagkakataon na naka-detect ng UK variant sa Cebu, na kamakailan lang ay napaulat na tumaas ang bilang ng kaso ng COVID-19.
Ayon sa DOH, ang kaso ay isang 35-anyos na lalaki mula sa Liloan, Cebu na may mild symptoms ng sakit. Biniberipika na rin ang exposure at travel history nito.
Dagdag pa ng ahensya, agad silang magsasagawa ng imbestigasyon at contact tracing sa lugar.
Sa La Trinidad naman, isa sa dalawang bagong kasong napaulat doon ay isang kinse anyos na babae na kamag-anak ng una nang na-identify na UK variant case sa lugar. Ang isa naman ay ang 84-anyos na lalaki na namatay na noong January 24.
Sa Bontoc, ang tatlong bagong kaso ay kinabibilangan ng dalawang babae na edad 25 at 54, na kapwa close contact ng una nang napaulat na kaso ng UK variant, at isang 31-anyos na lalaki na walang naging kaugnayan sa Bontoc cluster na una nang napaulat.
Samantala, ang dalawang kaso naman ng returning overseas Filipinos (ROFs) na may UK variant ay isang 29-anyos na babae na dumating galing sa United Arab Emirates noong January 7, 2021 lulan ng Philippine Airlines Flight PR 659; at isang 54-anyos na lalaki na ang flight details ay hindi pa ibinubunyag.
Ang unang kaso sa Pilipinas ng UK variant ay isang lalaking bumiyahe patungo sa UAE sa huling bahagi ng Disyembre ng nakalipas na taon para sa isang maikling business trip. Gumaling na ito at nag-negatibo na sa COVID-19.
Ang UK variant, na kilala bilang variant B.1.1.7, ay sinasabing 70 porsyentong mas nakahahawa kaysa naunang lumitaw na COVID-19 strains. Subalit ayon sa vaccine manufacturers gaya ng Pfizer at AstraZeneca, ang kanilang bakuna ay epektibo laban sa bagong strain.
Ang pinoproblema ngayon ng vaccine developers ay ang South African variant , dahil lumilitaw na ang kanilang mga bakuna ay hindi masyadong epektibo rito kumpara sa UK variant.
Liza Flores