Fox News, kinansela ang show ng pro-Trump host na si Lou Dobbs
NEW YORK, United States (AFP) – Kinansela ng Fox News ang show ni Lou Dobbs, isang right-wing presenter na may history ng pag-e-ere ng mga walang basehang conspiracy theories, at isa sa pinaka masugid na supporter ni dating US president Donald Trump.
Ang desisyon ay ginawa isang araw matapos na ang Fox News at si Dobbs ay sampahan ng kasong defamation ng voting technology firm na Smartmatic, na nag-aangking nalugi sila ng $2.7 billion dahil sa pagpo-promote ng network ng false claims, na ang kompanya ay sangkot sa pandaraya sa presidential elections noong Nobyembre ng nagdaang taon.
Ayon sa isang tagapagsalita ng Fox News . . . “As we said in October, Fox News Media regularly considers programming changes and plans have been in place to launch new formats as appropriate post-election, including on Fox Business.”
Dagdag pa ng tagapagsalita, ang kanselasyon ng Lou Dobbs Tonight ay bahagi ng sinasabi niyang planong pagbabago. I-aanunsyo aniya nila sa mga darating na panahon ang isang bagong 5pm program.
Ang show ni Dobbs ang may pinakamataas na viewership sa affiliate channel ng Fox News, kung saan ang average nito ay 300,000 viewers bawat gabi.
Pagkatapos ng presidential election na pinagwagian ni Joe Biden, ay paulit-ulit na binanggit ni Dobbs ang mga akusasyon ni Trump ng malawakang dayaan sa halalan, kabilang na ang “korapsyon” at “mga iregularidad” nang walang ebidensyang susuporta rito.
Inimbitahan din nito sa kaniyang show ang abogadong si Sidney Powell, isang miembro ng legal team ni Donald Trump, na gumawa rin ng maling pag-aangkin sa pagsasabing pinalitan ng voting machines ang mga boto para kay Trump upang mapunta sa Democrat na si Biden.
Isa rin si Dobbs sa mga sumuporta noon sa “birther” conspiracy theory, na nag-aangkin na si dating pangulong Barack Obama ay hindi isinilang sa Estados Unidos, kaya hindi ito dapat na maging pangulo ng US.
Ang 75-anyos na si Dobbs ay halos apat na dekada nang presenter, kabilang na ang sampung taon nitong pagho-host sa Lou Dobbs Tonight show.
© Agence France-Presse