Napoles, ex-Rep Jaraula, hinatulang guilty sa kasong Graft na may kinalaman sa Pork Barrel scam
HInatulang guilty ng Sandiganbayan first division sa kasong katiwalian na may kinalaman sa Pork Barrel scam sina Janet Lim Napoles, dtaing Cagayan de Oro Representative Constantino Jaraula at 3 iba pa.
Sa 103 pahinang desisyon ng Sandiganbayan, nakasaad na nagkasala sina Napoles, Constantino, Maria Rosalinda Lacsamana, Belina Concepcion at Mylene Encarnacion sa tig-tatlong bilang ng graft at malversation sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) o ang Pork Barrel.
Ayon pa sa anti-graft court, ginamit din ng mga akusado ang Technology Resources center ng pamahalaan at countrywide Agri and Rural Economic Development foundation ni Napoles para makuha ang pondo.
Anim hanggang 10 taong pagkakakulong ang hatol kina Napoles at mga kasama dahil sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act habang 12 hanggang 18 taong pagkakakulong naman para sa malversation.
Inatasan din sina Napoles at mga kapwa akusado na ibalik sa pamahalaan ang mahigit 56 na milyong pisong ninakaw sa pondo.
Samantala, hinatulan din ng karagdagang 4 hanggang 9 na taong pagkakabilanggo si Jaraula matapos mapatunayang guilty sa 3 bilang ng Direct Bribery.