Suspek sa online scam, arestado ng NBI sa Pasay City
Timbog ng National Bureau of Investigation (NBI) sa entrapment operation sa Pasay City ang isang babae na sinasabing sangkot sa online scam.
Ayon sa NBI, ang kaso laban sa suspek na si Hanna Chris Gonzales Dadea ay nag-ugat sa reklamong inihain sa NBI laban sa isang alyas Marilou Efsor dahil sa sinasabing identity Theft at Estafa.
Batay sa complainant, kasosyo niya sa negosyo si Efsor at nakikipag-transaksyon sila sa isang Maricel Mendoza sa pagbebenta ng gold jewelries.
Nabatid ng complainant na sila ni Efsor ay pinupuntirya at binabatikos pala sa social media bilang mga scammer matapos sabihin ng mga buyer na nabigo na maideliver sa kanila ang mga biniling alahas.
Napagalaman na mayroong pekeng Facebook account na nasa pangalang Marilou Efsor ang nakikipagtransaksyon sa mga buyer at ang mga pinagbentahan ay pinapadala sa pamamagitan ng online banking.
Nagkasa ng entrapment operation kung saan nahuli ang suspek na si Dadea.
Iimbestigahan din ng NBI ang mga kamag-anak at kasintahan ni Dadea sa posibleng pagkakasangkot sa online scam.
Iniharap na sa inquest proceedings sa piskalya ang suspek.
Moira Encina