Paggastos ng Passport Revolving Funds ng DFA, pinaiimbestigahan sa Senado
Pinaiimbestigahan ni Senador Leila De Lima sa Senado ang umano’y pagkaubos ng Passport Revolving Funds (PRF) ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Ang Passport Revolving Funds ay pondong nakokolekta sa mga nag-aaplay at nagre-renew ng pasaporte na inilaan para sa improvement ng passport at Consular services ng DFA.
Naghain na si De Lima ng Senate Resolution No. 629 para tingnan kung may batayan ang pahayag ni Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin na wala na ang passport revolving funds na umano’y nagamit bilang travel expenses.
Sinabi ni De Lima na dapat tingnan ng Senado kung paano nagastos ang pondo dahil maaaring ito ay paglabag sa batas.
Ayon sa mambabatas malinaw sa Philippine Passport Act of 1996 na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng PRF para sa travel at transportation expenses.
Meanne Corvera