DOH, magsasagawa ng simulation exercise para sa pagdating ng COVID-19 vaccines
Magsasagawa ng simulation exercise ang Department of Health bukas para makita ang magiging sitwasyon sakaling dumating na ang COVID-19 vaccines sa bansa.
Ayon kay Health Usec. Ma. Rosario Vergeire, tatlong malaking ospital ang kanilang magiging katuwang sa simulation exercise.
Layon nito na matiyak na walang masasayang na COVID-19 vaccines.
Ayon kay Vergeire, magkakaiba ang kanilang gagawing proseso sa bawat uri ng bakuna.
Halimbawa aniya para sa bakuna na nangangailangan ng 2 to 8 degrees na temperatura, pagdating sa bansa mula sa Airport ay diretso agad ito sa Research Institute for Tropical Medicine RITM) para sa storage.
Mula sa RITM dadalhin naman ito sa mga Regional warehouse at sila naman ang mamamahagi sa mga Local Government Unit (LGU).
Ganito rin aniya ang magiging sistema para sa bakuna na kailangan ng negative 20 na temperatura.
Para naman sa mga bakuna na nangangailangan ng ultra low temperature mula sa Airport ay target nilang magawang 20 minuto lamang ang biyahe mula NAIA patungong RITM warehouse.
Pagdating sa RITM iinspeksyunin aniya agad ang mga bakuna para matiyak na hindi nagbago ang temperatura nito.
Paliwanag ng opisyal, ang mga bakuna na may ultra low temperature aniya ay masyadong sensitibo.
Madz Moratillo