Bakuna laban sa COVID-19, ibibigay ng libre sa UK
LONDON, United Kingdom (AFP) — Mababakunahan pa rin ng COVID-19 vaccines ang undocumented migrants sa Britanya, kahit hindi dumaan sa status check.
Batay sa pahayag ng British government, sinuman sa Britanya ay pwedeng magparehistro anoman ang kanilang immigration status.
May ilang datos na ibinahagi sa interior ministry, na siyang responsable para sa border enforcement at imbestigasyon sa irregular immigration, kabilang na ang pagpapa-deport sa mga walang karapatang manatili.
Gayunman, nilinaw ng health ministry sa mga opisyal sa state-run National Health Service (NHS), na ang mga taong tatanggap ng COVID-19 vaccinations, maging ang sasailalim sa testing at treatment, ay hindi kailangang dumaan sa anomang immigration status checks.
Ayon sa isang tagapagsalita ng gobyerno, ang coronavirus vaccines ay ibibigay ng libre sa sinumang naninirahan sa UK anoman ang kaniyang immigration status.
Sinabi nito na yaong mga nakarehistro sa isang GP (general practitioner), ay agad na kinokontak at mahigpit silang nakikipag-ugnayan sa kanilang mga kasosyo at external organisations para naman kontakin yaong mga hindi nakarehistro sa isang GP, para matiyak na sila man ay mabibigyan din ng bakuna.
Umaasa ang Britanya sa pinakamalawak nilang vaccination programme, bilang daan para malampasan ang isa sa pinakagrabeng outbreak sa buong mundo, na ikinasawi na ng higit 112,000 katao.
Nakapagbakuna na sila ng higit sa 11 milyong katao, gamit ang Pfizer/BioNTech o kaya ay ang Oxford/AstraZeneca.
Itinakda ng gobyerno na makapagbakuna ng 15 milyong kataong nasa kategoryang “most vulnerable” sa pagtatapos ng linggong ito.
Subalit nangangamba ang mga opisyal ng kalusugan, na ang programa ay pahinain ng mga grupo ng mga taong hindi nabibigyan ng bakuna.
Hindi pa batid kung ilang katao na walang valid legal status ang nasa Britanya, ngunit may ilang pagtaya na aabot ito sa 1.3 milyon.
Ipinag-aalala rin ng mga opisyal sa UK, ang malaking bilang ng black African at south Asian communities na maaaeing mag-atubiling magpabakuna, dahil sa kawalan ng tiwala.
© Agence France-Presse