Handa Na Ba Ang Mga Pinoy Sa Bakuna Kontra Covid-19?
Batay sa Social Weather Stations Survey 91% ng ating mga kababayan ang may tinatanaw na pag-asa matapos na malagpasan natin ang 2020. Bagaman napakahirap ng ating pinagdaanan, ipinagpapasalamat natin sa Panginoong Diyos na tayo ay naka survive.
Marami pang pagsubok na naranasan. May mga mahal sa buhay na tinamaan ng covid-19, at marahil ang iba ay maaring hindi pinalad subalit namamalaging nakatuon sa pag-asa ang ating tinatanaw.
Sa isyu natin na nais kong pagtuunan ng pansin, ang ukol sa ginagawang paglaban ng gobyerno sa covid-19 na sana ay maiwasan muna ang pulitika, kaya lang, mukhang malabo lalo pa nga’t malapit na ang 2022, election time.
Sinasabing bago matapos ang Pebrero sa pamamagitan ng Covax Facility ng World Health Organization, WHO, ay meron ng medical workers and frontliners na maisasaalang sa bakuna .
Ang darating na bakuna ay bahagi ng Pilipinas sa Covax Facility at hindi ito ang binili ng gobyerno. Ito yung parang “ambon” ng WHO sa Pilipinas, dahil kasama ang ating bansa sa mga mahihirap na binigyan ng pagkakataon na makabahagi ng bakuna. Ito po ang Pfizer at AstraZeneca.
Nasa 117 thousand doses lamang ito pero, ang kabuuan ay nasa mahigit 5 million doses, kaya nga lang ang darating ngayong buwan sa Pilipinas ay nasa 117 thousand doses lamang. And when you divide it into two, mahigit sa 50 thousand lamang na indibidwal ang mababakunahan.
Sa balakin ng pamahalaan, ang bibilhin ay aabot lahat sa 148M doses ng bakuna. Iba’t ibang uri ng bakuna ayon na rin sa naging pakikipagnegosasyon ng vaccine czar na si Secretary Carlito Galvez. Samantala, ayon naman kay health secretary Francisco Duque III, bagaman inaasahan na darating ang bakuna sa second quarter o sa Abril, at ang target ng mababakunahan ay nasa 70M pinoy .
Pero, kung inaaakala po ninyo na sa 2021 ay mababakunahan na ang nasa 70 milyung pinoy, eh hindi po, posibleng umabot pa sa kalagitnaan ng 2022 o baka pagkalipas pa ng eleksyon matatapos ang pagbabakuna sa 50-70 milyung indibidwal.
Ang pangunahing problema na nakikita ng gobyerno sa vaccination program ay kung sapat ba ang magiging suplay ng bakuna mula sa mga international manufacturers? Ito ay dahil in demand ang mga vaccine.
Kaya nga depende sa availability ng supply. Pero, kung may bakuna naman at magiging matagumpay ang negosasyon, sinasabing by December this year, pwedeng matapos yung 50-70M. Ang worst case scenario, ay kapag nagkaron ng shortage ng suplay ng bakuna.
Nangangahulugan na depende sa availability ng suplay at kung papaano tatakbo ang mass vaccination program ng gobyerno. Ang taumbayan ba ay handa ng magpabakuna at ilan sa mga Pinoy ang willing na magpabakuna?