5 sugatan sa shooting incident sa isang health clinic sa US
WASHINGTON, United States (AFP) — Hindi bababa sa lima katao ang nasugatan matapos magpaputok ng baril ang isang lalaking hindi nasiyahan sa serbisyo ng isang health clinic sa Minnesota.
Ang hinihinalang gunman na nakilalang si Gregory Ulrich, 67-anyos na inaresto ng mga pulis ay kilala sa law enforcement dahil sa nagkaroon na ito dati nang encounter sa mga alagad ng batas.
Nagtungo umano ito sa Allina Health Clinic sa Buffalo, Minnesota bago mag-alas-11:00 ng umaga (local time) at nagpaputok ng baril.
Nakita sa images sa local television ang ilang basag na bintana ng klinika, bagamat hindi malinaw kung ito ba ay sanhi ng isang explosion o sanhi ng gunfire.
Sinabi ni Buffalo Police Chief Pat Budke, na si Ulrich ay ilang taon nang may galit sa naturang medical facility, dahil hindi ito nasiyahan sa ginawang pag-asikaso sa kaniya ng naturang klinika.
Lima katao ang dinala sa ospital ayon sa isang opisyal, ngunit hindi na nito binanggit kung gaano kalubha ang sugat ng mga ito.
Sinabi ni Budke, na maaaring may naganap na pagsabog bago nagpaputok ng baril si Ulrich.
Ayon naman sa isang pahayagan, sinabi ng suspek na may mga bomba sa lugar bago siya naaresto.
Sa pahayag ng pulisya, nakadiskubre sila ng isang kahina-hinalang package habang nagsasagawa ng search sa gusali, at may iba pang devices na natagpuan sa kalapit na hotel room kung saan namamalagi ang suspek.
Isang babaeng eyewitness ang nagsabi na nagtungo siya sa clinic para ihatid ang kaniyang ina na may appointment, nang biglang humangos palabas ang dalawang nurse mula sa pasilidad.
Aniya, sinabi ng mga nurse na nakarinig sila ng nasa 11 putok ng baril at dahil sa takot kaya sila nagmamadaling lumabas. Makalipas ang mga dalawang minuto ay nakita nilang binaril ang harapang bintana kaya sila man ng kaniyang ina ay umalis na rin.
May hinala ang pulisya na mag-isa lamang at walang kasabwat ang suspek sa ginawang krimen.
© Agence France-Presse