Cruise ship ban, pinalawig pa ng Canada hanggang 2022
OTTAWA, Canada (AFP) – Pinalawig pa ng Canada ang ipinatutupad nilang ban sa cruise ship hanggang February 2022, dahil sa nagpapatuloy na coronavirus pandemic.
Ayon kay Transport Minister Omar Alghabra, ang ban ay para sa mga cruise ship na higit 100 ang lulan.
Sinabi ni Alghabra . . . “Temporary prohibitions to cruise vessels and pleasere craft are essential to continue to protect the most vulnerable among our communities and avoid overwhelming our health care systems.”
Aniya, kung ang pandemic conditions ay bumuti sa mga panahong nabanggit, ay maaaring bawiin ng gobyerno ang utos.
Ang orihinal na ban ay ipinatupad noong Abril ng nakalipas na taon, matapos maapektuhan ng pandemya ang North America, at ilang ulit na ring na-extend.
Lubhang apektado ng naturang kautusan ang Canadian port cities gaya ng Vancouver, Quebec at Montreal, kung saan nagpapasok ng malaking kita ang cruise industry.
Ayon sa ministry, noong 2019 ay binisita ang Canada ng mga cruise ship mula sa isang dosenang mga bansa, lulan ang may dalawang milyong turista.
Sinabi naman ng Croisieres du Saint-Laurent, isang asosasyon na kumakatawan sa siyam na ports of call, ang kanselasyon ng mga byahe sa ikalawang taon ay may malaking epekto sa tourism industry.
Gayunman, sinabi nito na positibo pa rin sila para sa 2022 dahil malakas ang kanilang advance bookings.
Samantala, namamalagi rin ang ban para sa adventure-seeking sailboats at iba pang pleasure craft maging ang passenger ships na may lulang higit 12 katao.
Gayunman ayon sa ministry, exempted sa ban ang local residents ng Arctic territories ng Canada na gumagamit ng mga bangka para sa transportasyon at pangingisda.
Ang Northwest Territories, Yukon at Nunavut ay nagawang panatilihin ang kabuuang bilang ng kanilang COVID-19 cases sa 400, ngunit kulang sila ng sapat na health resources para tumugon sakaling magkaroon ng isang major outbreak.
Bunsod nito, lubhang binawasan ang pagbyahe sa rehiyon.
Sa kabuuan, ang Canada ay nakapagtala na ng halos 800,000 kaso ng COVID-19 at 20,500 na ang namatay.
© Agence France-Presse