US anthem, hindi na patutugtugin ng Mavericks bago ang kanilang laro
LOS ANGELES, United States (AFP) – Pinili ng Dallas Mavericks na huwag nang patugtugin ang US national anthem bago ang mga laro ngayong season.
Ayon sa Athletic website, ang polisiya ng Maverick laban sa pagpapatugtog ng “The Star-Spangled Banner” bago ang home games sa American Airlines Center, ay kinumpirma ng owner na si Mark Cuban, ngunit wala na itong dagdag na komento hinggil dito.
Ayon sa Athletic, ang anthem ay hindi na pinatugtog sa alinman sa 13 home at regular season games ng Mavericks ngayong season, kasama na ang laro laban sa Minnesota na napagwagian ng Mavericks at napanood ng mga fans sa unang pagkakataon.
Batay sa mga panuntunan ng NBA, kailangang tumayo ng mga manlalaro habang pinatugtog ang anthem, pero niluwagan ito ni commissioner Adam Silver kasunod ng nationwide Black Lives Matter protests na sumiklab matapos mapatay si George Floyd noong 2020.
Sa 2020 season restart ng NBA, halos lahat ng manlalaro ay lumuhod habang pinatutugtog ang anthem, na sumisimbolo sa kanilang pakikiisa sa Black Lives Matter movement.
Ayon sa tagapagsalita ng NBA, pinapayagan naman ang mga koponan na gawin ang nais nilang paghahanda sa pregame na inaakala nilang angkop, na ang binabanggit ay ang kakaibang mga pangyayari sa 2020-2021 season.
Naging outspoken na si Cuban sa mga nakalipas na panahon sa pagsuporta sa pagluhod habang pinatutugtog ang anthem, at sa kaniyang mga komento noong nakalipas na taon ay pinatutsadahan niya ang tinawag niyang “National Athem Police.”
Sa kaniyang pagsasalita tungkol sa posibilidad ng pagluhod ng mga manlalaro ng Mavericks sa panahon ng NBA restart sa Orlando, sinabi ni Cuban noong July na kung luluhod ang mga ito bilang paggalang, ay ikararangal nya ang mga ito, at maaaring sumama pa siya sa gagawing iyon ng team.
Kalaunan sa kaniyang komento sa Twitter ay sinabi ni Cuban . . .”The National Anthem Police in this country are out of control. If you want to complain, complain to your boss and ask why they don’t play the National Anthem every day before you start work.”
Ang pagpapatugtog sa “The Star Spangled Banner” bago ang mga laro ay naging bahagi na ng professional sports leagues sa Estados Unidos.
Gayunman, kung ano ang pipiliing gawin ng individual athletes habang pinatutugtog ito ay naging isang malalim na isyu sa panahon ng administrasyon ni dating US President Donald Trump.
Binatikos noon ni Trump ang National Football League players, na iniluhod ang isang tuhod habang tumutugtog ang anthem para makakuha ng atensyon sa nangyayaring racial injustice, at tinawag iyong “unpatriotic.”
© Agence France-Presse