Rekomendasyon ng vaccine cluster para sa pinal na patakaran sa roll out ng anti COVID-19 vaccination, hinihintay ng IATF
Hinihintay na lamang ng Inter-agency Task Force on the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang mga rekomendasyon na magmumula sa Vaccine Cluster upang mapaigting pa ang kahandaan ng pamahalaan sa roll out ng vaccination program laban sa COVID-19.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Alexi Nograles sa ngayon ay puspusan ang ginagawang simulation exercises ng national government at Local Government Units (LGUs) kaugnay sa pagtanggap at pag-transport ng anti COVD-19 vaccine.
Sinabi ni Nograles sa pamamagitan ng simulation exercises malalaman kung mayroon pang dapat na baguhin upang maging maayos ang roll out ng vaccination program ng gobyerno.
Inihayag ni Nograles na nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging mabilis ang execution ng pagbabakuna upang makontrol na ang paglaganap ng pandemya ng COVD-19 sa bansa.
Niliwanag ni Nograles na magiging batayan ng IATF ang tagumpay ng mass vaccination program ng pamahalaan para luwagan na ang mga quarantine protocol na ipinatutupad sa ibat-ibang panig ng kapuluan.
Vic Somintac