NUPL, itinanggi na pinilit nila ang 2 Aetas na pirmahan ang petition-in-intervention sa Anti Terror Law oral arguments
Pinasinungalingan ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) ang pahayag ni Solicitor General Jose Calida na pinuwersang palagdain ang dalawang Aetas sa petition-in-intervention sa Anti- Terror law oral arguments.
Ayon sa NUPL, walang pamimilit at panlilinlang silang ginawa kina Japer Gurung at Junior Ramos para pumayag ang mga ito sa paghahain ng nasabing petisyon.
Sinabi pa ng NUPL na hindi marunong magbasa at magsulat ang dalawa kaya nilagay lang nila ang kanilang thumbmark sa petisyon.
Ipinaliwanag din daw nang mabuti ng mga abogado ng NUPL kina Gurung at Ramos ang nilalaman ng petisyon at ang kaugnayan nito sa kanilang kaso.
Ang dalawa ay nakakulong at nahaharap sa kasong terorismo, murder at iba pa.
Iginiit ng grupo na ang NUPL -Central Luzon ang tumatayong abogado ng mga katutubo sa mga kasong kinakaharap ng mga ito kaya dapat ay ipinabatid sa kanila ng Public Attorneys Office (PAO) at National Commission On Indigeneous Peoples (NCIP) ang sinasabing pag-urong ng dalawa sa petisyon.
Nakatanggap din daw ng mga ulat ang NUPL na bago ang paghahain ng petition-in-intervention ay bumibisita na nang madalas kina Gurung at Ramos ang mga kinatawan ng PAO at NCIP para hikayatin ang mga ito na ilaglag ang NUPL bilang kanilang legal counsel.
Moira Encina