Kapakanan ng mga consumer at local hog raisers , isinaalang-alang ng Malakanyang sa pagpapatupad ng price ceiling sa karne ng baboy
Prioridad ng Malakanyang ang kapakanan ng consumers at local hog raisers sa pagpapatupad ng price ceiling sa karne ng baboy.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na maganda ang layunin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapalabas ng Executive Order 124 na nagtatakda ng price ceiling sa karne ng baboy sa National Capital Region o NCR.
Ayon kay Roque,pinatitiyak ni Pangulong Duterte sa Department of Agriculture na bago umangkat ng karne ng baboy sa ibang bansa ay nabili ang mga baboy mula sa mga local hog raisers na hindi tinamaan ng Africa Swine Fever o ASF.
Inihayag ni Roque, mayroong mga hakbang na ginagawa ang Department of Agriculture para matulungang makabangon ang mga local hog raisers tulad ng re-population ng mga baboyan na tinamaan ng ASF ganun din ang mga nagtitinda ng karne ng baboy ay puwedeng makahiram ng dagdag na puhunan upang makabawi sa pagkalugi.
Niliwanag ni Roque na pansamantala lamang ang ipinatutupad na price ceiling sa karne ng baboy sa NCR dahil tatagal lamang ito ng 60 araw.
Vic Somintac