COVID-19, inaasahang magtatagal pa sa kabila ng paglulunsad ng bakuna sa buong mundo
STOCKHOLM, Sweden (AFP) — Nagbabala ang pinuno ng disease control agency ng Europen Union (EU), na maaaring tumagal pa ang novel coronavirus, kahit na nabawasan ng halos kalahati ang global infections sa nakalipas na buwan, at nagsimula na ang paglulunsad ng bakuna sa iba’t-ibang bahagi ng mundo.
Sa isang panayam ay hinimok ng Stockholm-based European Centre for Disease Prevention and Control (ECDC) chief na si Andrea Ammon partikular ang European countries, na huwag luwagan ang kanilang pagbabantay laban sa virus.
Ayon kay Ammon . . . “ The virus seems very well adapted to humans and may require experts to tweak vaccines over time, as is the case with the seasonal flu. So we should be prepared that it will remain with us.”
Matapos lumaganap ang pandemyang unang lumitaw sa China noong nakalipas na taon, nagkaroon ng bahagyang pag-asa matapos lumitaw sa database ng AFP na ang rate ng bagong COVID-19 infections ay bumagal ng 44.5% sa buong mundo sa nakalipas na buwan.
Higit 107 milyong katao ang dinapuan sa buong mundo, at halos 2.4 milyon na ang namatay dahil sa COVID-19.
Subalit nagbabala ang disease experts na hindi ang bakuna ang tatapos sa pandemya, maliban nang lahat ng bansa ay makatanggap ng bakuna sa isang mabilis at pantay na pamamaraan.
Sa isang bukas na liham na nalathala sa Lancet medical journal, sinabi ng may-akda na dahil ang bakuna ay naiipon sa mayayamang mga bansa, maaaring abutin pa ng kung ilang taon bago makontrol ang COVID-19 sa buong mundo.
Hinimok naman ni European Commission chief Ursula von der Leyen ang 27 EU member countries, upang pabilisin ang pagpapatibay sa isang pangunahing bahagi ng 750-billion-euro ($900-billion) plan, para makabawi sa epekto ng pandemya.
Ianprubahan na ng European Medicines Agency (EMA) ang bakuna na dinivelop ng US-German firm Pfizer-BioNTech, US firm Moderna at ng British-Swedish firm AstraZeneca kasama ng Oxford University.
Ayon sa EMA, sinimulan na rin nito ang “rolling review” ng isang bakuna mula sa German manufacturer na CureVac, na unang hakbang para sa posibleng pagbibigay ng awtorisasyon.
© Agence France-Presse