Mahusay na Tax collection ng BIR sa kabila ng Pandemya, pinuri ng Kamara
Kinilala ng Kamara ang mahusay na tax collection ng Bureau of Internal Revenue at economic managers ng administrasyon, sa kabila ng mga hamon sa ekonomiya ng bansa dahil COVID-19 Pandemic.
Kaugnay nito, in-adopt ng Kamara ang House Resolution 1538 na inihain nina House Majority Leader Ferdinand Romualdez at Pampanga Representative Juan Miguel Arroyo bilang pagbati at papuri sa BIR, sa pangunguna ng pinuno ng ahensya na si Commissioner Caesar Dulay, at buong Economic Team ng Gobyerno.
Sa resolusyon, binanggit na ang BIR ay lumagpas sa Tax Collection target para sa Fiscal Year 2020, sa kabila ng malawak na epekto ng Pandemya.
Aabot sa 1.94 Trilyong piso ang kabuuang nakolekta ng BIR noong nakalipas na taon, na mas mataas sa 1.69 Trilyong pisong target.
Sa report ng BIR, ang pinakahuling beses na natamo ng ahensya ang target na koleksyon ay noon lang 2001 at 2003.
Sinabi pa sa resolusyon na malaking-bagay ang mga programa ng BIR upang matiyak na maayos at makakamit ang Tax collection.
Kabilang na rito ang Tax Account Management Program, monitoring ng Tax remittances at pagpapalakas ng Tax awareness, kahit may krisis-pangkalusugan sa bansa.
Umaasa naman ang Kamara na magtutuloy-tuloy ang magandang performance o trabaho ng BIR sa pamununo ni Dulay, upang maserbisyuhan ang mga Pilipino sa harap ng Pandemya.
Madz Moratillo