Muling pagkakaroon ng Ebola outbreak sa West Africa matapos ang limang taon, pinangangambahan
CONARKY, Guinea (AFP) – Nahaharap ngayon ang West Africa sa muling pagsulpot ng Ebola virus, mula nang matapos ang isang outbreak noong 2016 kung saan kumikilos na ang Guinea para tugunan ang ayon sa kanilang health chief ay isang “epidemic” makaraang pitong kaso ang makumpirma.
Bagama’t hindi pa natatapos ang problema sa COVID-19 pandemic sa magkabilang panig ng mundo, sinabi ng Guinea at ng World Health Organization (WHO) na mas nakahanda sila ngayong harapin ang Ebola kaysa sa nakalipas na limang taon, dahil sa magandang progreso sa bakuna.
Ayon sa WHO, mamadaliin nila ang pagtulong sa Guinea at titiyakin na matatanggap nito ang sapat na bakuna.
Itinaas naman ng kapitbahay nitong bansa na Liberia at Sierra Leone ang high alert bilang precautionary measure, kahit wala pa silang naitalang kaso ng infection.
Matapos ang isang emergency meeting sa kapitolyo, sinabi ni Guinea health chief Sakoba Keita, na kinumpirma ng Conarky laboratory ang presensya ng Ebola virus.
Ang mga naturang kaso ang palatandaan ng muling paglitaw ng Ebola sa West Africa, mula nang magkaroon ng epidemic noong 2013-2016 na ikinasawi ng higit sa 11,300 katao, ang pinakamaraming bilang ng naitalang namatay dahil sa virus.
Ang epidemya ay nagsimula rin sa Guinea sa kaparehong rehiyon sa southeast, kung saan muling nadiskubre ang mga bagong kaso.
Ang virus, na pinaniniwalaang dala ng mga paniki, ay unang natukoy noong 1976 sa Zaire, na ngayon ay tinatawag nang Democratic Republic of Congo.
Ayon kay Keita, head ng National Agency for Health Security, may isang namatay sa huling bahagi ng Enero ngayong taon sa Gouecke, southeastern Guinea, malapit sa Liberian border.
Ang biktima ay inilibing noong February 1, at ilang araw lang ang nakalipas ay nagpakita na ng sintomas gaya ng pagtatae, pagsusuka, pagdurugo at lagnat ang ilang nagkaroon ng partisipasyon sa paglilibing.
Nitong Biyernes, nadiskubre sa ilang samples na sinuri sa isang laboratoryo na itinayo ng European Union sa Gueckedou sa naturang rehiyon, ang Ebola.
Ayon kay Keita, ang Guinea ngayon ay nasa isang “Ebola epidemic situation”.
Aniya, ang mga pasyeste ay isinailalim na sa isolation at isang imbestigasyon ang ipinag-utos upang alamin ang home villages ng mga nagkaroon ng partisipasyon sa paglilibing, para makapagsagawa ng contact tracing.
Dagdag pa ni Keita, aalamin din ng mga eksperto ang origin ng outbreak, na maaaring galing sa isang dating pasyenteng gumaling na muling bumalik ang sakit o kaya ay mula sa wild animals, partikular sa paniki.
Sinabi pa ng health chief, na ang diagnosis time ay nabawasan din o wala pang dalawang linggo, kumpara sa tatlo at kalahating buwan noong 2014.
Sa isang press briefing ay sinabi ni WHO representative Alfred George Ki-Zerbo, na agad silang magpapadala ng tulong Guinea.
Ayon kay Ki-Zerbo . . . “The WHO is on full alert and is in contact with the manufacturer (of a vaccine) to ensure the necessary doses are made available as quickly as possible to help fight back.”
Pahayag pa ng WHO, tumutulong na sila sa Guinea at DR Congo para paigtingin ang pagbabantay at nakipag-ugnayan na rin sa iba pang mga bansa sa rehiyon, gaya ng Mali, Senegal at Ivory Coast.
Nitong nakalipas na Enero ay ipinahayag ng Gavi vaccine alliance, na ang 2013-2016 West Africa Ebola outbreak, ang nagpabilis sa development ng isang bakuna laban sa sakit, at ang global emergency stockpile na 500,000 doses ang siyang planong gamitin para agad na makatugon sa future outbreaks.
Ang Guinea, Sierra Leone at Liberia ang pinaka grabeng tinamaan ng naunang Ebola epidemic.
Gaya ng maraming mga bansa sa West Africa, ang Guinea ay may limitadong health resources. Nakapagtala rin ito ng may 15,000 kaso ng COVID-19, kung saan 84 na ang nasawi.
© Agence France-Presse