Pagbubukas ng mga sinehan sa Metro Manila, ipinagpaliban ng Malakanyang
Kukunsultahin pa ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang Metro Manila Mayors kaugnay ng pagbubukas ng mga sinehan sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Ito ang sagot ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos magpahayag ng pagtutol ang mga Metro Manila Mayors sa naging desisyon ng IATF na buksan na ang mga cinema house in 50 percent capacity sa ilalim ng GCQ ngayong February 15.
Ayon kay Roque, pinakikinggan naman ng IATF at ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Local Government Units.
Inihayag ni Roque na binibigyan ng IATF ng karapatan ang mga LGU na maglalabas ng guidelines para sa pagbubukas ng mga sinehan na nasa ilalim ng GCQ.
Sinabi ni Roque sa sandaling mabuo ng mga LGU’S ang kanilang guidelines hanggang sa katapusan ng Pebrero ay maipapatupad na ang pagbubukas ng mga sinehan sa March 1.
Niliwanag ni Roque ang dahilan kaya kasama ang pagbubukas ng sinehan kabilang ang iba pang negosyo at industriya sa ilalim ng GCQ ay para makabangon na ang ekonomiya ng bansa na nalugmok dahil sa pandemya ng Covid- 19.
Vic Somintac