DA Sec. Dar: Walang krisis sa pagkain sa bansa kasunod ng pagpapatupad ng Price ceiling
Sapat pa rin ang suplay ng pagkain sa bansa sa kabila ng ipinatutupad na price ceiling…..
Ito ang tiniyak ni Agiculture secretary William Dar sa panayam ng programang BaliTalakayan.
Sinabi ng kalihim na tuluy-tuloy ang suplay ng pagkain sa bansa lalu na ngayong panahon ng anihan.
Sa bigas aniya ay sapat pa ang suplay ng bansa ng hanggang 90 araw.
Samantala, aminado naman si Dar na malaking hamon sa kagawaran ang epekto ng African swine fever dahil sa maraming lalawigan at industriya ng pagbababoy ang lubhang naapektuhan.
Dahil dito, may mga ginagawa na silang istratehiya gaya ng pagbibigay ng mga rapid test kits sa mga lokal na pamahalaan upang mamonitor ng mga ito kung mayroong mga sakit na bumabangon sa mga alagang baboy.
May mga itinalaga rin aniya silang PPE’s at Disinfection facilities sa mga border ng lalawigan at syudad upang walang makapasok na mga kontaminadong produkto.
Maliban dito, nagpapautang din sila sa mga meat vendors para mayroon silang magamit pang-kapital.
Pinabulaanan din ng opisyal na bukas lagi ang kanilang tanggapan sa anumang suhestyon at ideya para sa ikabubuti ng estado ng pagkain ng bansa.
Hinimok din ni Dar ang publiko na tangkilikin ang kanilang programang “Plant, Plant, Plant”, upang mas marami pang maihaing pagkain ngayong panahon ng Pandemya.
Agriculture Secretary William Dar:
“Nandyan ang kagawaran ng pagsasaka, nakikitulong sa lahat ng apektado. Magtulung-tulong po tayo dito sa panahon ng sakuna, yung ASF bantayan natin. May collective action at katuwang natin ang mga LGU sa pagsugpo sa sakit. Let’s continue ang adbokasiya na Plant, Plant, Plant para mas marami tayong pagkain during this Pandemic”.