JBC pinalawig ang deadline ng pagsusumite ng aplikasyon para sa posisyon ng punong mahistrado
Pinalawig ng Judicial and Bar Council hanggang sa Pebrero 26 ang paghahain ng aplikasyon sa posisyon ng punong mahistrado na babakantehin ni Chief Justice Diosdado Peralta.
Ito ang inihayag ni JBC member at Justice Secretary Menardo Guevarra.
Una nang itinakda ng JBC ang deadline ng aplikasyon at pagsusumite ng documentary requirements kahapon, Pebrero 15.
Binuksan ang aplikasyon at nominasyon sa pagka- chief justice noong Enero dahil sa nakatakdang maagang pagreretiro sa pwesto ni Peralta sa Marso 27.
Nang tanungin kung maghahain ito ng aplikasyon sa pagka-punong mahistrado, sinabi ni Guevarra na masaya siya na paglingkuran ang publiko bilang kalihim ng DOJ at hindi na siya nagaasam ng mas higit pa.
Naniniwala rin si Guevarra na maraming hukom at mahistrado na mas karapat-dapat na maikonsidera sa pagiging chief justice.
Marami anya sa mga ito ay iginugol ang halos buong karera nila sa hudikatura kaya patas lamang na mas paboran ang mga ito sa posisyon.
Moira Encina