Economic team ng pamahalaan inirekomenda kay Pangulong Duterte na isailalim na sa modified general community quarantine ang buong Pilipinas sa March 1
Isinumite ng economic team ng pamahalaan ang rekomendasyon na isailalim na sa Modified General Community Quarantine o MGCQ ang buong bansa sa March 1.
Sa pinakahuling pulong ng Inter Agency Task Force o IATF sa Davao hiniling ni National Economic Development Authority o NEDA Director General Secretary Karl Chua na ilagay na sa MGCQ ang buong Pilipinas para makabangon ang ekonomiya na nalugmok dahil sa pandemya ng COVID 19.
Sinabi ni Chua na ang pagsasailalim ng buong bansa sa MGCQ ay mayroon ng basbas mula sa IATF subalit kailangang pagtibayin ito ni Pangulong Duterte.
Ayon kay Chua nitong nakalipas na taon umabot sa 1.04 trilyong piso ang nawalang kita ng pamahalaan o 2.8 bilyong piso kada araw dahil sa ipinatupad na total lockdown.
Inihayag ni Chua sa pamamagitan ng pagluluwag ng quarantine protocol makakagalaw na ang lahat ng negosyo at industriya.
Niliwanag ni Chua kapag nasa ilalim na ng MGCQ kailangang dagdagan narin ang capacity ng public transportation mula sa dating 50 percent ay gagawin na itong 75 percent.
Dadagdagan narin ang biyahe ng mga provincial buses, luluwagan narin ang age limit na puwedeng lumabas mula sa dating 15 hanggang 65 years old ay itataas ito hanggang 70 years old at itutuloy narin ang pilot testing ng face to face classes sa mga paaralan.
Idinagdag pa ni Chua sa kaso ng COVID 19 ay ipapatupad na lamang ang granular o community lockdown sa mga lugar na tataas ang kaso ng corona virus dahil hindi na kakayanin ng ekonomiya ng bansa ang pagpapatupad pa ng nationwide lockdown habang hinihintay ang pagsasagawa ng mass vaccination program ng pamahalaan.
Vic Somintac