PET ibinasura ang poll protest case ni dating Sen. Bongbong Marcos laban kay Vice- President Leni Robredo
Ibinasura ng Presidential Electoral Tribunal ang buong electoral protest na inihain ni Dating Senador Bongbong Marcos laban kay Vice- President Leni Robredo.
Sa online press briefing, kinumpirma ni Supreme Court spokesperson Atty. Brian Keith Hosaka na “unanimously dismissed” ng 15 mahistrado ang protesta ni Marcos laban kay Robredo dahil sa kawalan ng merito.
Hintayin na lang anya ang ilalabas na resolusyon ng PET sa kaso na kanilang ilalagay sa website ng Supreme Court.
Kasabay nito, inanunsyo din ng SC na idinismiss din ng Tribunal ang counter- protest ni Robredo.
Isa sa mga hiniling ni Marcos sa kanyang protesta partikular sa kanyang third cause of action ay mapawalang-bisa ang resulta ng halalan sa Maguindanao, Lanao del Sur at Basilan dahil sa malawakang dayaan gaya ng terorismo, pre-shading ng mga balota at harassment ng mga botante.
Naniniwala si Marcos na mahihigitan niya ang lamang na boto ni Robredo na mahigit dalawang daang libo kung mapapawalang-bisa ang halos limandaang libong boto sa mga nasabing probinsya sa Mindanao.
Noong October 2019 inilabas ng PET ang resulta ng manu-manong initial recount nito sa tatlong pilot provinces ng Camarines Sur, Negros Oriental, at Iloilo
Kung saan lumamang si Robredo ng labing- limang libong boto.
Iginiit ni Robredo sa kanyang memorandum na dapat nang tuluyang ibasura ang protesta ni Marcos dahil sa bigo itong makakuha ng substantial recovery ng mga boto sa tatlong probinsya.
Alinsunod din anya sa Rule 65 ng PET Rules dapat mabasura ang poll protest kapag nabigo ang protestant na mapatunayan ang kanyang kaso.
Moira Encina