May Sinusitis Ka Ba?
Magandang araw sa lahat, mga kapitbahay! Kumusta na po kayo? Sa araw na ito pag-usapan natin ang sinusitis, pero, hindi ako ang magpapaliwanag, hayaan natin ang espesyalista, si Dr. Louie Candido Gutierrez, ENT/Surgeon.
Naitanong natin sa kanya kung ang sinusitis ba ay weather related o may kinalaman ang kapaligiran na ating ginagalawan?
Ang sabi ni Doc Louie, pwedeng weather related at maaari ding may kinalaman ang environmental factors lalo pa nga’t ang sinusitis ay pwedeng magsimula sa rhinitis o allergic reaction ng katawan. Mula dito ay pwedeng lumala at mauwi sa sinusitis.
Dapat anyang maintindihan na hindi komo may sipon ay may sinusitis na. Ang pagkakaron ng sipon ay sintomas lamang o nagkakaron ng nasal discharges. Ang iba pang sintomas ay ang pagbabara ng ilong, at dahil nagbabara ang sinuses kaya sumasakit ang ulo, nagbabago ang pang-amoy o walang pang-amoy o anosmia.
Maliban anya dito, meron din silang tinatawag na physical findings kapag sinilip ang loob ng ilong, makikitang nagbabara, namamaga ang mucosa, at minsan ay may nakikitang polyp. Pwedeng makita ito sa pamamagitan ng ct scan ng paranasal sinuses.
Karaniwan na nagsisimula ang sinusitis dahil sa allergy kaya dapat na umiwas sa environmental factors gaya ng pollen, alikabok, at kung may kasamang bacterial component ang pagkakaron ng sinusitis. Ipinapayo ang paggamit ng antibiotics, at inirerekumenda rin ng mga manggagamot ang ”intra nasal steroid” o ang nasal spray kapag matagal na ang sinusitis.
Bilin ni Doc Louie na hindi dapat na magself medication, sa halip dapat na magpatingin sa duktor para iwas kumplikasyon.
Nabanggit ni Doc Louie ang polyps? Ano ba ito? Sabi n’ya, ito ay mga bukol na maaaring makita sa loob ng ilong dulot ng ”inflammation” o pamamaga sa ilong. May ”grading” ang polyp, mula one hanggang four. Depende sa grading, doon din nagma-manifest ang sintomas.
Karaniwan anya pag grade 1 o 2, wala pang gaanong sintomas. Kapag grade 3 or 4, makakakita na ng sintomas ng pagbabara. Ang polyps ay parang ubas o grapes kung titingnan sa pamamagitan ng endoscopy.
At kapag grade 3 or 4, inirerekumenda ng mga duktor na magpaopera, at hindi nangangahulugan na kapag naoperahan na ay hindi na babalik ang polyp o bukol, mataas pa rin ang chance na ito ay bumalik.
Habang nalalantad sa allergens tulad na lang anya ng isang chronic smoker ay lalong lalala ang problema sa sinusitis, o yung may asthma. Makatutulong na panatilihing malinis ang kapaligiran.
Ngayon ay nagkaron na tayo ng karagdagang impormasyon tungkol sa sinusitis, ’til next time!