1Bataan Malasakit Dialysis Assistance Center sa Dinalupihan, Bataan pinasinayaan
Pinasinayaan at pormal nang binuksan ang 1Bataan Malasakit Dialysis Assistance Center sa bayan ng Dinalupihan sa Bataan.
Dinaluhan ito ni Governor Albert Garcia, Vice Governor Cristina Garcia, mga kinatawan ng Provincial Health Office, Municipal Health Office, medical frontliners at iba pa.
Layon nito na makatulong sa mga mahihirap na residente na nangangailangan ng tulong medikal at pinansyal, laluna ang mga pasyenteng nagda-dialysis at may iba pang mga sakit na inihihingi ng tulong sa mga lokal na pamahalaan.
Sinabi ni Governor garcia, na ito ang magiging sentro o magsisilbing one stop shop kung saan mapabibilis at mapagagaan ang proseso para sa paghingi o pagkuha ng tulong medikal at medical financial assistance.
Ito ay bukas hindi lamang para sa mga taga Dinalupihan kundi maging sa mga taga iba pang bayan sa Bataan.
Ayon pa kay Garcia, pinag-iisipan din nila ang tungkol sa iba pang mga programa sa public health o preventive health sa lalawigan.
Nagpasalamat naman si Dinalupihan Mayor Gila Garcia sa pamahalaang panlalawigan, sa pagtatayo ng pasilidad sa kanilang bayan dahil malaking tulong aniya ito sa halos 100 dialysis patients na tinutulungan ng kanilang bayan, at magandang regalo rin para sa kaniyang kaarawan.
Ulat ni Josie Martinez