Mutation of concern na nadiskubre sa Visayas, dahilan kung bakit hindi pa napapanahong isailalim sa MGCQ ang Metro Manila – OCTA Research team
Dapat maghinay-hinay ang Inter-Agency Task Force (IATF) sa pagsasailalim sa mas laluwag na Community Quarantine ang Metro Manila pagsapit ng Marso.
Sa panayam ng programang BaliTalakayan kay Dr. Guido David ng Octa Research Team, sinabi nitong nasa paligid pa rin ang banta ng Covid-19 at mas nakakahawang Covid variant katunayang may nadiskubreng Mutation of Concern sa Central Visayas.
Bagamat hindi sila tutol sa tuluyang pagbubukas ng ekonomiya sa Kamaynilaan, hindi pa napapanahon ang hakbang na ito sa ngayon at marami pang mga factors na dapat ikunsidera.
Nauna nang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na buo na ang rekomendasyon ng IATF na isailalim sa MGCQ sa Marso hindi lamang ang Metro Manila kundi maging ng buong bansa.
Ito aniya ay isusumite nila kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pulong ng gabinete sa Lunes.
Maliban sa mutation of concern na nadiskubre sa Central Visayas, tinukoy ni Dr. David ang pagtaas muli ng kaso sa Cebu na mula sa 10 kaso kada araw noong Disyembre ay pumapalo na sa 400 kaso kada araw ngayong Pebrero.
Ito aniya ang dapat ingatan ng gobyerno na huwag makapasok sa Metro Manila ang bagong variant ng Covid-19 dahil mas marami ang populasyon sa NCR na mas dikit-dikit ang tao at wala pang bakunang dumarating.
Mahalaga rin aniyang magsagawa ng Biosurveillance ang pamahalaan upang malaman kung may kumakalat nang variant ng Covid-19 sa Metro Manila.
Dr. Guido David, OCTA Research Team:
“The President should consider this new variables, these new factors yung may variant na umiikot. We respect the position of economic branch ng government pero kami naman, we are only looking for a public health risk act and the President will take all these consideration kung ano yung paramount concern and we’ll try to balance these factors and make a decision accordingly”.
Muli namang nagpa-alala si David sa publiko na sakaling isailalim ang Metro Manila sa MGCQ ay panatilihin ang pagtalima sa mga health protocol gaya ng pagsusuot ng face mask, umiwas sa matataong lugar at ingatan ang kalayaang makalabas ng bahay dahil kung hindi ay mahihirapan na ang ating bansa na bumalik pa sa mas mahigpit na lockdown sakaling sumirit muli ang kaso ng Covid-19.
“Let’s wear face mask, face shield pag nasa labas tayo. Mag-ingat tayo sa crowded places, bawasan natin ang paglabas kung hindi naman kailangan. Kahit malagay tayo under MGCQ, isipin natin na andyan pa rin ang possibility na makapasok pa rin ang virus”.