Williams, luhaan matapos matalo kay Osaka sa Australian Open, Djokovic pasok na sa finals
MELBOURNE, Australia (AFP) — Pinigil ni Naomi Osaka ng Japan ang pagtatangka ni Serena Williams, na mapantayan ang 24 Grand Slam title, habang nakapasok naman sa finals si Novak Djokovic matapos talunin si Aslan Karatsev.
Muli nang nakapanood ang fans matapos ang ipinatupad na limang araw na lockdown, kung saan nasaksihan nila ang emotional exit ni Willimas, ang panalo ni Jennifer Brady laban kay Karolina Muchona at pananatili ng perfect semi-final record ni Djokovic.
Muling pinatunayan ng 23-anyos na triple major-winner na si Osaka na siya ang katapat ni Williams, matapos ang 6-3, 6-4 match na kaniyang napagwagian na naging sanhi rin para pagdudahan kung kakayanin pa ba ng 39-anyos na American player ang all-time record ni Margaret Court para sa Slam singles titles.
Inilagay ni Williams ang kaniyang kamay sa tapat ng kaniyang puso nang i-acknowledge niya ang standing ovation sa Rod Laver Arena, at kalaunan ay umalis na luhaan sa post-match press conference matapos sabihing “I’m done.”
Ang American player ay apat na ulit nang nabigong makapasok sa Grand Slam finals, mula nang mapanalunan ang kaniyang ika-23 titulo sa Melbourne noong 2017, at ang panalo sana laban kay Osaka ang magbibigay sa kaniya ng pagkakataon laban kay Brady, na target namang makuha ang kauna-unahan niyang major title.
Ayon kay Osaka . . . “For me, I have this mentality that people don’t remember the runners-up. You might, but the winner’s name is the one that’s engraved. I think I fight the hardest in the finals. I think that’s where you sort of set yourself apart.”
Ipinagdalamhati naman ni Williams ang para s akaniya’y “big error day” at tumangging pag-usapan kung magpapaalam na ba siya sa torneyong pitong ulit niyang napanalunan.
Ayon kay Williams . . . “I don’t know. If I ever say farewell, I wouldn’t tell anyone.”
Ang Australian Open ang unang COVID-era Grand Slam na nagpahintulot sa malaking bilang ng fans para makapanood, matapos makansela ang Wimbledon noong isang taon. Ang US open ay ginawa “behind closed doors, habang ang French Open naman ay nilimatahan sa isanglibo katao lamang ang maaaring manood bawat araw.
Nasaksihan din ng nagbabalik na fans ang katapusan ng kahanga-hangang mga laro ng 114th-ranked na si Karatsev, nang siya ang maging kauna-unahan sa Open era na nakarating sa Grand Slam semi-final sa kaniyang debut.
Tatlong seeded player ang tinalo ni Karatsev para makarating sa semi, subalit hindi niya nagawang tapatan ang husay ni Djokovic, ang record eight-time Melbourne champion, na hindi pa natalo sa isang semi o final match sa paborito niyang court.
Ayon sa Serbian na si Djokovic, na itinuloy ang paglalaro sa kabila ng abdomen injury . . . “This is the best I’ve felt in the entire tournament. I could swing through the ball. No pain. The best match so far.”
© Agence France-Presse