Ilang Barangay sa bayan ng Gamu sa Isabela, isinailalim na rin sa lockdown dahil sa COVID-19
Nagsimula nang dumami ang bilang ng mga nagpositibo sa sakit na COVID-19 sa iba pang mga barangay na sakop ng Bayan ng Gamu, sa Isabela.
Matatandaan na sa mga nagdaang buwan ay may nauna nang mga barangay na isinailalim sa lockdown dahil sa naturang sakit.
Kabilang sa mga isinailalim na rin sa lockdown ay ang Barangay LInglingay, Furao at Barcolan.
Sa mga nabanggit na barangay ay ang Barangay LInglingay ang may pinakamaraming bilang ng nagpositibo na umaabot na ngayon sa 12, batay na rin sa resulta ng isinagawang swab test at pagsusuri ng regional health unit (RHU) ng Gamu.
Ang naturang barangay din ang nakapagtala ng pinakamaraming person under monitoring (PUM) at person under investigation (PUI) sa mga nakalipas na araw hanggang sa kasalukuyan.
Batay sa mga impormasyon, ang dahilan ng pagdami ng bilang ng mga nahahawa sa sakit na ito ay ang mga dumadayo at nagtutungo sa Ilagan city, na katabi lamang ng Gamu, dahil duon malimit na namimili ng pangangailangan nila ang mga residente.
Patuloy naman ang ginagawang pagmo-monitor ng pamahalaang bayan ng Gamu, bunsod ng pagdami ng mga nagpo-positibo sa naturang sakit.
Ulat ni Dherick Kintana