Asawa ng Mexican drug lord na si ‘El Chapo,’ naaresto sa US airport
WASHINGTON, United States (AFP) – Inaresto ng mga awtoridad sa US ang asawa ng Mexican drug lord na si Joaquin “El Chapo” Guzman, sa Dulles International Airport na nasa labas ng Washington.
Ayon sa Justice Department, ang 31 anyos na si Emma Coronel Aispuro, ay mahaharap sa kasong pakikipagsabwatan sa pangangalakal ng cocaine, methamphetamine, heroin at marijuana para dalhin sa Estados Unidos.
Si Guzman ang pinuno ng Sinaloa Cartel, isa sa pinaka kilalang drug trafficking groups ng Mexico.
Pinatatakbo nito ang operasyon ng pagde-deliver ng daan-daang tonelada ng droga sa Estados Unidos, at siya ring nasa likod ng maraming pagpatay sa mga bumabangga sa kaniya.
Siya ay pinabalik sa US noong 2017 para harapin ang paglilitis, at nahatulang makulong ng habang buhay makalipas ang dalawang taon.
Ayon sa Justice Department, si Coronel ay sangkot sa mga aktibidad ng cartel at tumulong din umano sa pagpaplano para sa pagtakas ni Guzman mula sa Mexican prison, kasama na ang unang matagumpay nitong pagtakas noong 2015.
Hindi pa batid noong una ang intensyon ng mga awtoridad sa Estados Unidos na arestuhin si Coronel.
Si Coronel ay inaasahang haharap sa korte sa pamamagitan ng isang video conference, sa federal district court sa Washington bukas, Martes.
© Agence France-Presse