Mga dating nakulong dahil sa droga na nakalaya dahil sa plea bargaining agreement ng korte, pinulong ng PNP Bataan
Personal na kinausap ni Pol. Lt. Col. Cesar Lumiwes, hepe ng pulisya sa Mariveles, Bataan ang mga dating nakulong sa droga sa bayan ng Mariveles at kasalukuyang nakalalaya dahil sa plea bargaining agreement ng korte, matapos ipatawag ng PNP.
Sinabi ni Col. Lumiwes, na may magandang programa si Bataan Gov. Abet Garcia sa drug personalities at ito ang isa sa mga dahilan kung bakit ipinatawag ang mga ito.
Ayon kay Lumiwes, 90 porsiyento ng mga nahuhuli sa droga sa kasalukuyan ay dati nang nakulong sa droga, kaya naglatag ng mga programa ang PNP at Provincial Government, upang mahikayat ang drug personalities na tuluyan nang magbagong buhay at huwag nang bumalik sa dating ilegal na gawain partikular na sa droga.
Ayon sa PNP, ang mga nakasuhan ng RA 9165 ay maaaring pumasok sa plea bargaining agreement , at kaakibat ng paglaya ang rekomendasyon ng korte na sumailalim sa rehabilation process ang drug personalities, subalit kung mabigong magparehab matapos makalaya ay muli itong ipaaaresto ng korte.
Labis naman ang pasasalamat ng drug personalities kay Gov. Abet Garcia at sa PNP, dahil hindi sila nakakalimutan ng pamahalaan bagkus ay tinutulungan sila na ituwid at i-angat ang kanilang pamumuhay sa ligal na pamamaraan.
Ulat ni Larry Biscocho