PRRD, personal na sasalubungin ang pagdating sa bansa ng Sinovac Covid vaccine – Malakanyang
Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na personal na salubungin ang pagdating sa bansa ng Sinovac anti COVID 19 vaccine.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na nasa schedule ng Pangulo sa Linggo ang pagsalubong sa pagdating ng 600,000 doses ng Sinovac mula sa China.
Ang Sinovac anti COVID 19 vaccine na donasyon ng Chinese government sa Pilipinas ang kauna-unahang bakuna na darating sa bansa.
Ayon kay Roque nais ng Pangulo na salubungin ang Sinovac bilang pagpapakita ng pagtanaw ng utang na loob sa China na itinuturing na isang kaibigan na handang tumulong sa panahon ng Pandemya.
Inihayag ni Roque posibleng sa araw ng Lunes, March 1 ay agad na pasimulan ang pagbabakuna sa mga medical frontliner ng Philippine General Hospital o PGH na nagpahayag ng kahandaan na magpabakuna sa Sinovac sa kabila ng pahayag ng Food and Drug Administration (FDA) na hindi ito inirerekomenda na gamitin ng mga Medical frontliners dahil sa naitalang 50% efficacy rate sa kanilang hanay.
Vic Somintac