DOLE tinawag na “desperado” sa planong pagpapadala ng maraming Filipino nurse sa UK at Germany kapalit ng bakuna
Tinawag na desperado ng mga Senador ang Department of Labor and Employment (DOLE) dahil sa umano’y planong pagpapadala ng libu-libong nurse sa United Kingdom at Germany kapalit ng bakuna kontra Covid-19.
Ayon kay Senador Joel Villanueva, chairman ng Senate Committee on Labor, hindi produkto ang mga Filipino nurse na maaaring i-barter gaya sa mga pamilihan.
Naiintindihan aniya niya ang sentimyento ng Gobyerno sa kabagalan ng pagdating ng bakuna pero hindi tamang gamitin ang Medical frontliners kapalit ng suplay.
Wala aniyang dahilan para ikalakal ang mga Filipino nurses dahil pumasa na ang Senate Bill 2057 o ang Vaccination program bill na magpapabilis sa transaksyon at pagbili ng mga bakuna.
Senador Joel Villanueva:
“The biggest question is why did we get to this point?” I feel their sentiments and they’re getting impatient?”
Giit ng Senador, napapanahon nang pagtibayin ang Department of Overseas Filipinos para hindi naaabuso ang mga manggagawang Pinoy.
Samantala, dismayado rin si Senate minority leader Franklin Drilon dahil mali aniya ang ginamit na patakaran ng DOLE.
Giit ni Drilon, hindi commodity ang mga manggagawang Pinoy.
Senador Franklin Drilon:
“Our health-care workers are not commodities they can trade off. Something is not right with its “Coronavirus vaccine strategy”.
Kinuwestyon naman ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel Jr., kung bakit tila obsessed ang Gobyerno sa bakuna gayong batay sa pahayag ng IATF, may inorder na ang bansa na higit 140 million doses.
Balak pa nga aniyang dagdagan ito ng 50 million doses ng Department of Finance (DOF).
Senador Koko Pimentel:
“I was saddened when I heard that. Why give the impression that we are trading our nurses for vaccines? Why are we too obsessed with vaccines when according to our plan we have already ordered 140M plus doses and I have read the DOF plans to add 50 M to that. That new total of more than 190M doses is already good enough for more or less 95M Filipino adults which is more than our target of 77M. (2 doses per person ang computation) Ano gawin natin sa sobra-sobrang milyung -milyong doses, papabulukin lang natin? Nakakalungkot nga talaga”.
Kinastigo rin ni Senador Imee Marcos si Labor Secretary Silvestre Bello III at iginiit na hindi mga baboy ang mga Pinoy nurse na tila ibinebentang buhay para lamang makakuha ng bakuna.
Sana aniya ay pahalagahan ng Gobyerno ang mga manggagawang Pinoy na itinuturing na mga bayaning Filipino.
Senador Imee Marcos:
“Siyempre kung aalukan ang ating mga Nurse ng maayos na trabaho, maganda yun, kailangan natin yun kaya malaking Thank You sana. Pero di natin sila binebentang buhay para sa bakuna noh”.Hay! ginawang commodities mga nurse natin..buti pa UK may pagpapahalaga sa kanila“.
Meanne Corvera