Tiwala ng publiko sa Sinovac vaccine, tataas matapos magpabakuna ang ilang opisyal ng Gobyerno
Kumpiyansa ang Malakanyang na tataas ang tiwala ng publiko sa bisa at kaligtasan ng Sinovac anti COVID-19 vaccine na gawang China matapos magpabakuna ang ilang Government key officials.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na malaking tulong sa Vaccination campaign ng Gobyerno ang pagpapabakuna ng Sinovac nina Food and Drug Administration (FDA) Director General Dr. Eric Domingo, Philippine General Hospital (PGH) Director Dr. Gerardo Legaspi, UP National Institute of Molecular Biology and Biotechnology Director Doctor Edcel Salvaña, National Task Force (NTF) Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, NTF Deputy Chief Implementer Secretary Vince Dizon at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos.
Ayon kay Roque, ang pagpapabakuna mismo nina Domingo na siyang nagbigay ng Emergency Use Authorization ng Sinovac at Vaccine Czar Galvez ay nagpapatunay na ligtas at mabisa ang bakuna.
Inihayag ni Roque na sa mga susunod na araw ay naniniwala ang Malakanyang na madaragdagan pa ang tiwala ng publiko lalo na ang mga Medical frontliners sa Sinovac.
Magugunitang bago pa man dumating sa bansa ang Sinovac anti COVID-19 vaccine ay napakababa ang pagtanggap ng mga Medical frontliners dahil sa napaulat na nasa 50 percent lamang ang naitalang efficacy rate nito sa kanilang hanay batay sa clinical trial na isinagawa sa Brazil.
Vic Somintac