WHO pinaalalahanan ang gobyerno ng Pilipinas na tiyaking nasusunod ang prioritization sa pagbibigay ng COVID- 19 vaccines
Kasabay ng nakatakdang pagdating ng Astrazeneca vaccines sa bansa ngayong araw mula sa Covax facility, mahigpit ang bilin ng World Health Organization sa gobyerno ng Pilipinas na tiyaking masusunod ang prioritization sa pagbibigay ng bakuna.
Ayon kay Dr. Rabindra Abesayinghe, kinatawan ng WHO dito sa bansa, batay sa nilagdaang kasunduan ng gobyerno ng Pilipinas at Covax ang mga bakuna ay dapat ibigay sa mga pinaka high risk at vulnerable na populasyon.
Kabilang aniya sa high risk ay ang mga Healthcare workers na nagbubuwis ng buhay sa laban sa pandemya.
Karamihan sa kanila hindi rin aniya nakakauwi ng bahay sa takot na mahawahan ng virus ang kani kanilang pamilya.
Babala ni Abesayinghe, kung may mga matatanggap na report ang WHO o Covax ng mga paglabag sa nasabing criteria ay pag aaralan ito ng Covax at posibleng makaapekto sa vaccine roll out.
Nabuo aniya ang Covax sa layuning matiyak ang patas na distribusyon ng bakuna sa lahat ng bansa.
Nasa 487 thousand doses ng Astrazeneca vaccine ang inaasahang darating sa bansa ngayong araw.
Ayon kay Abesayinghe, sa Mayo inaasahang matatanggap naman ng Pilipinas ang 4.5 million doses Astra Zeneca vaccine.
Sinabi ni Abesayinghe na ang Pilipinas ang isa sa may pinakamataas na alokasyon ng Astrazeneca vaccines na ipinagkaloob ng Covax.
Kaugnay nito, sinabi ni Health Usec Ma Rosario Vergeire na magpupulong ang National Immunization Technical Advisory Group para pag usapan ang magiging alokasyon ng mga darating na bakuna.
Madz Moratillo