Mga petitioners at counsel laban sa Anti- Terror law, nanawagan sa mga nasa legal profession ng mas aktibong pagtugon sa mga pag-atake sa mga abogado
Kinondena ng mga petitioners at legal counsels sa Anti- Terror law ang tangkang pagpatay sa abogadong si Angelo Karlo Guillen noong Miyerkules ng gabi sa Iloilo City.
Si Guillen ay abogado sa isa sa mga petisyon na kumukwestyon sa Anti- Terror Act at opisyal ng NUPL sa Visayas.
Sugatan si Guillen matapos na saksakin sa ulo at balikat ng screwdriver ng mga hindi pa kilalang salarin.
Ayon sa mga legal counsel ng mga petitioners sa Anti- Terror law, si Guillen ang pinakahuling biktima ng mga pag-atake sa kanilang panig na kumukwestyon sa Anti- Terror Act.
Sinabi nila na mula nang maupo si Pangulong Duterte sa pwesto noong 2016 ay hindi bababa sa 54 na abogado at hukom ang napapaslang sa bansa.
Kaugnay nito, nanawagan ang mga Anti Terror law petitioners at counsels sa mga nasa legal profession at mga legal groups na maglunsad ng mas aktibo at militanteng pagtugon laban sa mga pag-atake mga abogado.
Muli rin silang umapela sa Korte Suprema na agad na umaksyon sa mga nasabing insidente bilang protektor ng mga nasa legal profession.
Umaasa sila na ang nangyari kay Atty Guillen ay huli na at wala nang abogado ang mapapaslang o mapapahamak dahil sa kanilang trabaho.
Ipinunto pa ng mga counsels at petitioners na kung hindi aaksyunan ang mga pagpaslang at pag-atake sa mga abogado ay baka wala nang matira sa kanilang hanay at wala nang matapang na magtanggol sa mga nangangailangan.
Moira Encina