Quarantine classification sa Abril, nakasalalay sa sitwasyon ng Covid-19 ngayong Marso
Ibabatay sa kaso ng COVID-19 ngayong buwan ng Marso ang magiging Quarantine Protocol classification na ipatutupad sa susunod na buwan ng Abril.
Sinabi ni Inter-Agency Task Force (IATF) Co-Chairman at Secretary to the Cabinet Karlo Alexi Nograles na tinututukan ng pamahalaan ang sitwasyon ng kaso ng COVID-19 ngayong buwan ng Marso dahil sa ulat na tumataas ng mabilis ang kaso ng corona virus sa bansa.
Ayon kay Nograles, naghihintay ng konkretong data ang IATF hinggil sa paglobo ng kaso ng COVID 19 sa bansa partikular na sa Metro Manila.
Batay sa inisyal na report, apat na lungsod sa Metro Manila ang tumaas ang kaso ng COVID 19 na kinabibilangan ng Pasay, Makati, Navotas at Malabon na hinihinalang dulot ng South African at United Kingdom variant.
Inamin din ng Department of Health (DOH) na nakababahala ang naitatalang mahigit na 3,000 kada araw ang kaso ng COVID 19 sa bansa.
Magugunitang nananatili sa General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila at 9 na iba pang lugar ng kapuluan.
Vic Somintac