Nakababahalang Sitwasyon
Naging kapansin-pansin nitong nakalipas na mga araw ang sunod-sunod na pagtaas na kaso ng Covid-19 na nasa mahigit tatlong libo. Kung tutuusin kung nagsa-submit ng tamang “data” ang mga molecular laboratory ay baka hindi lang tatlong libo.
Kaya ang kalkulasyon ngayon ng Octa Research Team ng U.P. , itong mga susunod na araw kapag hindi nakontrol ang pagtaas ng kaso, magkakaproblema ang bansa. Baka bumalik sa sitwasyon noong Hulyo last year na tayo ay nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine o ECQ.
Nakababahala ang ganitong sitwasyon, dahil ang sabi ng Octa Reserach Team, baka pumalo tayo ng 5-6K cases a day. Ang Department of Health hindi naman kinukumpirma kung ito na ba ang epekto ng new variants {UK at South African) .
May naitala ng kaso sa Philippine General Hospital ng South African variant, meron na sa Pasay, sa iba’t ibang lugar sa bansa. Pero, pag itinanong mo sa kalihim ng DOH, sasabihin n’ya na wala pang community transmission. ‘Yan ang problema sa sitwasyon natin! Itinaas ng DOH ang red flag status dahil sa paglobo ng kaso ng Covid-19 sa National Capital Region. Pupulungin ng Kagawaran ang mga opisyal ng iba-ibang pagamutan sa Metro Manila.
Batay sa report, aminado si PGH spokesperson Jonas del Rosario na nakararanas na sila ng red flag, ibig sabihin, nasa kritikal na kundisyon dahil sa pagsirit ng mga kaso sa loob lamang ng maikling panahon.
Kaya nga, hindi isinasantabi ng mga health expert ang posibleng kagagawan ng mga natuklasang bagong variant ang pagtaas ng kaso.
Samantala, nananawagan po kami sa lahat partikular doon sa mga pasaway na kababayan natin na narinig at nakita lang ang bakuna ay hindi na sumusunod sa health protocols. Kahit mabakunahan, mananatili po ang pagsusoot ng mask, face shield paghuhugas ng kamay at social distancing.
Sa datos ng Octa Research, higit na mataas ang kaso sa Metro Manila ngayon kung ikukumpara noong Hulyo at Agosto 2020. Ito ‘yung panahon kung saan humirit ang mga health worker ng timeout o pahinga muna.
Kaya nga kapag hindi tayo nag-ingat malaking problema ang kakaharapin natin. Maliban sa UK at South African variants, meron pang sinasabing ibang mutations na higit pa na nakababahal kumpara sa orihinal na variant. Ang problema baka ang mga mutation na ito ay hindi kayanin ng mga dumarating na bakuna.
Ang apat na lugar sa Metro Manila na may pinakamataas na kaso ay ang Pasay, Makati, Navotas at Malabon. Ito ang mga lugar kung saan nasa kritikal na sitwasyon.
Samantala, nakasalalay sa pagtaas ng kaso ng Covid-19 ang magiging quarantine protocol na ipatutupad sa susunod na buwan.
Kaya nga mukhang malabo ang MGCQ kapag ganito ang sitwasyon.