Marijuana bricks, mga armas at iba pang ilegal na droga, nakumpiska ng PNP at PDEA sa buy-bust operation sa Quezon, Isabela
Umabot sa 127 bricks ng pinaghinihinalang marijuana ang nakumpiska sa pag-iingat ng dalawang high value target, sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad, sa Abut, Quezon sa Isabela.
Nakilala ang 2 suspek na sina Anwar Sindatoc, 54-anyos, may asawa, tsuper, residente ng Phase 4, Caa, Las Piñas City, at Elson Cabunyag, 43-anyos na residente ng 073- Block 1, Dubai, Bagong Lupa, Baseco, Port Area, Manila.
Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Provincial Drug Enforcement Unit/Provincial Intelligence Unit ng Isabela Provincial Police Office (IPPO), sa pangunguna ni Pol. Maj. Eugenio Mallilin, PDEA Region 2, Isabela Provincial Office, Provincial EOD/Canine Unit Isabela na pinangungunahan nila Pol. Lt. Oliver Salamero at Pol. Lt. Elias Mangoma, Quezon Police Station sa pangunguna ni Pol. Maj. Roberto Valiente at Regional Drug Enforcement Unit 2 na pinangungunahan naman ni Pol. Capt. Jhun-Jhun Balisi, sa ilalim ng superbisyon ni Pol. Col. James Cipriano, Police Director ng IPPO.
Gamit ng mga suspek ang isang Toyota Hi-ace, super Grandia van an may plakang MNI 585, nang makipagtransaksyon sa mga intel operatives ng Provincial Intelligence Unit at PDEA agents, sa boundary ng Abut, Quezon at Kalinga.
Nakahalata umano ang mga suspek na mga awtoridad na ang kanilang ka-transaksyon, kaya pinatakbo nila ang kanilang sasakyan dahilan para habulin sila ng mga operatiba hanggang sa masakote sila sa quarantine checkpoint sa naturang bayan.
Nabili sa mga suspek ang dalawang bricks ng pinaghinihinalang marijuana, habang nakuha sa kanilang sasakyan ang tatlong karton at apat na sako na naglalaman ng mga marijuana bricks at tubular.
Sa kabuuan ay umabot sa 127 bricks at 5 tubular ng ilegal na droga ang nakumpiska.
Aabot naman sa 16 million pesos ang halaga ng mga naturang ilegal na droga na may bigat na halos 130kgs.
Narekober din sa loob ng kanilang sasakyan ang isang kalibre 45 baril, Colt Mark IV na may isang magazine at 7 bala, 10 bala ng M14, at dalawang plastic sachet na naglalaman ng halos tatlong gramo ng pinaghinihinalaang shabu na may estimated value na P20,400.
Mayroon ding iba’t ibang IDS, dalawang cellphone at 31 piraso ng 1,000 peso bill bilang boodle money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Republic Act 10591 o Illegal Possession of Firearms.
Ulat ni Ryan Flores