Ilang bahagi ng Brgy Addition Hills sa Mandaluyong City, isinailalim sa Granular lockdown
Inilagay sa granular lockdown ang ilang bahagi ng Brgy. Addition Hills sa Mandaluyong City dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Sa executive order ni Mayor Menchie Abalos, magtatagal hanggang alas-12 ng madaling araw ng March 18 ang lockdown sa Zones 4, 5, at 9 sa Block 41 ng Brgy. Addition Hills.
Layon nito na makapagsagawa ng COVID testing at contact tracing at mapigilan ang pagdami ng bilang ng kaso ng virus sa lugar.
Bibigyan naman ng lokal na pamahalaan ng grocery packs ang mga apektadong pamilya.
Kaugnay din nito ay mag-iisyu ang LGU ng bagong quarantine pass para sa mga miyembro ng pamilya na nagtatrabaho at namamalengke.
Inihayag ng alkalde na sa loob ng isang linggo ay dumoble ang kaso ng COVID sa Mandaluyong kabilang na ang UK at South African variants.
Sa pinakahuling tala, umabot na sa 396 ang active cases sa Mandaluyong matapos madagdagan ng 65.
Moira Encina