DOH, kinumpirmang nakapasok na sa bansa ang Brazilian variant ng Covid-19
May kaso na rin ng Brazilian variant ng Covid-19 sa bansa.
Ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH) matapos ang ginawang sequencing ng Philippine Genome Center (PGC) sa bagong batch ng mga sample mula sa National Capital Region, CALABARZON at Cordillera Administrative Region.
Ayon sa DOH, ang kauna-unahang kaso ng P.1 o Brazilian Variant sa bansa ay isang Returning Overseas Filipino mula sa Brazil at taga Western Visayas.
Kaugnay nito, may 59 bagong kaso ng B.1.1.7 variant o UK variant rin na natukoy ang PGC.
Sa 59 na ito, 30 ang local cases, 18 ang returning OFW, habang ang 11 ay bineberipika pa.
Ang 16 sa mga local cases ay mula sa Cordillera Administrative Region, 10 sa NCR, dalawa sa Central Luzon, at dalawa sa CALABARZON.
Sa ngayon, umabot na sa 177 ang kaso ng UK variant sa bansa.
May 32 ring karagdagang kaso ng B.1.351 variant o South Africa variant ang PGC.
Sa 32 na ito, 21 ang local cases, isa ang returning OFW, habang bineberipika pa ang lokasyon ng 10.
Ang 19 sa mga local cases ay mula sa NCR, isa ang mula sa Cagayan Valley, at isa naman ang mula sa Northern Mindanao.
Sa ngayon ay umabot na sa 90 ang kabuuang kaso ng South African Variant sa bansa.
Kaugnay nito, iniulat naman ng DOH na ang 85 mutation kabilang na ang E484K at N501Y mutations na natukoy sa Central Visayas ay pinangalanan na bilang P.3 variant.
Ang P.3 Variant ayon sa DOH ay konektado sa B.1.1.28 lineage kung saan rin kabilang ang P.1 o Brazilian Variant.
Sa ngayon ayon sa DOH, mayroon ng 98 P.3 Variant sa bansa.
Pero ayon sa DOH, hindi naman umano dapat katakutan ang P.3 dahil wala pang ebidensya na nagsasabing may epekto ito sa galaw ng virus.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention batay sa mga ebidensya mula sa ilang pag-aaral, ang Brazilian variant ay nakapagpapabilis ng transmission ng virus at may epekto sa kakayahan ng antibodies na nakuha ng isang dati ng nagka-Covid.
Patuloy naman ang paalala ng DOH sa publiko na sumunod sa minimum Public Health standards para mapigilan ang transmission ng mga variant na ito.
Pinakikilos rin nito ang mga Lokal na Pamahalaan para mapigilan ang pagtaas pa ng mga kaso ng Covid -19.
Madz Moratillo