Korte Suprema ibinasura ang petisyon ng mga senador na kumukwestyon sa pagkalas ng gobyerno sa International Criminal Court
Unanimous ang desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang mga petisyon na kumukwestyon sa pagkalas ng pamahalaan ng Pilipinas sa Rome Statute ng International Criminal Court dahil sa pagiging moot and academic.
Ang mga petisyon laban sa ICC withdrawal ay inihain nina opposition Senators Francis Pangilinan, Franklin Drilon, Risa Hontiveros, at dating Senador Bam Aquino at Antonio Trillanes IV, at ng Philippine Coalition for the ICC.
Moot and academic na ang mga petisyon dahil nagkabisa na noong Marso 2019 ang pagkalas ng Pilipinas sa ICC isang taon matapos magpadala ng notice of withdrawal ang gobyerno.
Ayon sa Supreme Court Public Information Office, bagamat ibinasura ang mga petisyon, kinikilala sa desisyon na ang Presidente bilang pangunahing arkitekto ng foreign policy ay nasasakupan ng Saligang Batas at umiiral na statute.
Sinabi rin sa ruling na isinulat ni Justice Marvic Leonen na ang kapangyarihan ng pangulo na mag-withdraw unilaterally ay maaaring limitahan ng mga kondisyon gaya ng concurrence ng Senado.
Gayundin, kung may umiiral na batas na nagootorisa sa negosasyon ng tratado o international agreement o kung may statute na nagpapatupad ng existing treaty.
Ipinunto rin ng Korte Suprema na may sapat na kapangyarihan ang hudikatura na proteksyunan ang karapatang pantao taliwas sa ispekulasyon ng mga petitioners.
Sa kanilang petisyon noong 2018, hiniling ng mga opposition senators na ideklara ng Korte Suprema na walang bisa ang pagkalas ng Pilipinas sa ICC dahil wala itong pagapruba ng two-thirds ng miyembro ng Senado.
Nagpasya si Pangulong Duterte na kumalas ang Pilipinas sa ICC matapos simulan ang imbestigasyon sa reklamong crimes against humanity kaugnay sa kampanya kontra droga ng administrasyon nito.
Moira Encina