Manila RTC nakatanggap ng 63 aplikasyon para sa search warrant ng pulisya sa CALABARZON
Umabot sa 63 aplikasyon para sa search warrant ng pulisya sa CALABARZON ang natanggap ng Manila Regional Trial Court.
Ito ay batay sa isinumiteng ulat ni Court Administrator Jose Midas Marquez kay Chief Justice Diosdado Peralta ukol sa search warrant na inisyu ng Manila RTC at isinilbi ng pulisya noong March 7 sa ibat ibang lugar sa CALABARZON na nagresulta sa pagkamatay ng siyam na aktibista.
Ayon kay Marquez, mula sa 63 aplikasyon ay 42 lang ang inaprubahan at 19 ang ibinasura habang dalawa ang binawi.
Sa Antipolo RTC naman ay siyam ang inihain na search warrant applications kung saan apat ang pinagtibay, apat ang ibinasura at may isang pending.
Sinabi ni Marquez na lumalabas na ang 42 search warrants mula sa Manila RTC at ang apat mula sa Antipolo RTC ang sabay -sabay na isinilbi ng mga otoridad sa operasyon noong March 7.
Ipinunto ni Marquez na dalawang magkaibang bagay ang pag-iisyu ng search warrant ng mga hukom at ang pagsisilbi o pagpapatupad dito ng mga law enforcers.
Anya judicial in nature ang pagpapalabas ng search warrant at maaari itong kwestyunin ng mga naagrabyado.
Inihayag pa ni Marquez na anumang aksyon laban sa pag-iisyu ng warrant ng mga hukom ay maaaring mag-preempt sa alinmang judicial recourse na pwedeng i-avail ng sinumang partido.
Moira Encina