Mga Pinoy nakatanggap ng libreng bakuna kontra COVID-19 sa Israel
Mahigit 30,400 Pilipino sa Israel ang nabakunahan na kontra COVID-19.
Ayon sa Israel Embassy, tinatayang 30,000 Pinoy caregivers, 400 Agriculture students, at mga staff ng embahada ng Pilipinas sa Israel ang tumanggap ng libreng Pfizer vaccine.
Maging ang mga Pinoy na may expired working permits ay pinagkalooban ng libreng anti- COVID vaccine shots.
Sinabi ni Israeli Ambassador to the Philippines Rafael Harpaz na nagpapasalamat ang Israel sa mga Pinoy caregivers dahil sa pagaaruga sa mga matatanda at disabled Israeli sa panahon ng pandemya.
Ang libreng bakuna anya ay isa lamang sa paraan upang pasalamatan at matiyak ang kalusugan ng mga caregivers.
Ang Israel ang nangunguna sa buong mundo pagdating sa pagbabakuna kontra COVID-19.
Sinabi ng Israel Embassy na 5.2 milyong katao mula sa 9.3 milyong populasyon ng Israel ang nabakanuhan laban sa virus o mahigit kalahati na ng populasyon nito.
Nasa 4.2 milyong katao naman ang nakatanggap na ng dalawang dose ng Pfizer vaccines sa Israel.
Bilang bahagi ng matagumpay na vaccination campaign ay binakunahan ng libre ng Israel Ministry of Health ang sinuman sa Israel kahit ano pa ang kanilang citizenship status at kahit wala o mayroon silang insurance.
Moira Encina