Senado, naka-lockdown hanggang sa susunod na linggo
Hindi muna magsasagawa ng sesyon ang Senado sa Lunes at Martes ng susunod na linggo.
Mula kasi ngayong araw kailangang palawigin ang ipinatutupad na lockdown sa lahat ng tanggapan ng Senado na tatagal hanggang sa Huwebes ng susunod na linggo.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, batay na rin ito sa rekomendasyon ng Senate Secretariat at Medical Service Department matapos umabot sa 24 na empleado ang bagong nahawa sa Covid-19.
Bagamat naka-quarantine na at nasa ospital na ang mga empleyado kailangan nilang magpatupad ng lockdown para patuloy na mag-disinfect.
Dahil dito suspendido rin ang trabaho sa Senado.
Sa Miyerkules babalik ang sesyon para talakayin ang ilan pang nakapending na bill dahil ito na rin ang huling araw ng sesyon para sa kanilang dalawang buwang Lenten break.
Bukod sa pagdami ng kaso ng Covid 19 sa Senado, sinabi ni Senate majority leader Juan Miguel Zubiri na 80 empleyado ang nagpositibo sa katabi nilang gusali ng GSIS.
Meanne Corvera