Umano’y “tongpats’ sa importasyon ng karne ng baboy sa DA, sisilipin ng Malakanyang
Aalamin ng Malakanyang kung may katotohanan ang report na mayroong patong o tongpats sa pag-aangkat ng karne ng baboy sa Department of Agriculture (DA).
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na hindi palalagpasin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang anumang isyu ng katiwalian sa pamahalaan.
Ayon kay Roque bagamat isa sa solusyon sa kakulangan ng supply ng karne ng baboy sa bansa dahil sa African Swine Fever o ASF ay importasyon kailangan na ito ay nasa tamang proseso at walang bahid ng anomalya.
Batay sa report sinasabing mayroong opisyal sa DA na kumikita ng halos anim na bilyong piso dahil sa tongpats sa bawat kilo ng inaangkat na karne ng baboy.
Sa ngayon balak ng DA na itaas sa mahigit apat na raang libong metriko tonelada ang minimum access volume ng aangkating karne ng baboy at ibababa sa 5% mula sa dating 40% ang taripa na sinasabing papatay sa mga lokal na magbababoy sa bansa.
Vic Somintac